1 - Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo; at sinomang napaliligaw sa kaniya ay hindi pantas.
2 - Ang kakilabutan ng hari ay parang ungal ng leon: ang namumungkahi sa kaniya sa galit ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling buhay.
3 - Karangalan sa tao ang magingat sa pakikipagkaalit: nguni't bawa't mangmang ay magiging palaaway.
4 - Ang tamad ay hindi magaararo dahil sa tagginaw; kaya't siya'y magpapalimos sa pagaani, at wala anoman.
5 - Payo sa puso ng tao ay parang malalim na tubig; nguni't iibigin ng taong naguunawa.
6 - Maraming tao ay magtatanyag bawa't isa ng kaniyang sariling kagandahang-loob: nguni't sinong makakasumpong sa taong tapat?
7 - Ang ganap na tao na lumalakad sa kaniyang pagtatapat, mapapalad ang kaniyang mga anak na susunod sa kaniya.
8 - Ang hari na nauupo sa luklukan ng kahatulan pinananabog ng kaniyang mga mata ang lahat na kasamaan.
9 - Sinong makapagsasabi, nilinis ko ang aking puso, ako'y dalisay sa aking kasalanan?
10 - Mga iba't ibang panimbang, at mga iba't ibang takalan, kapuwa mga karumaldumal sa Panginoon.
11 - Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa, kung ang kaniyang gawa ay magiging malinis, at kung magiging matuwid.
12 - Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata, kapuwa ginawa ng Panginoon.
13 - Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka ka madukha; idilat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay.
14 - Walang halaga, walang halaga, sabi ng mamimili: nguni't pagka nakalayo siya, naghahambog nga.
15 - May ginto, at saganang mga rubi: nguni't ang mga labi ng kaalaman ay mahalagang hiyas.
16 - Kunin mo ang kaniyang suot na nananagot sa di kilala; at tanggapan mo ng sanla ang nananagot sa mga di kilala.
17 - Tinapay ng kasinungalingan ay matamis sa tao: nguni't pagkatapos ay mabubusog ang kaniyang bibig ng batong lapok.
18 - Bawa't panukala ay natatatag sa pamamagitan ng payo: at sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka.
19 - Ang yumayaong mapaghatid-dumapit ay naghahayag ng mga lihim: kaya't huwag kang makisalamuha sa kaniya na nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi.
20 - Siyang sumusumpa sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa salimuot na kadiliman.
21 - Ang mana ay matatamong madali sa pasimula; nguni't ang wakas niyao'y hindi pagpapalain.
22 - Huwag mong sabihin, ako'y gaganti ng kasamaan: maghintay ka sa Panginoon, at kaniyang ililigtas ka.
23 - Mga iba't ibang panimbang ay karumaldumal sa Panginoon; at ang sinungaling na timbangan ay hindi mabuti.
24 - Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon; paano ngang mauunawa ng tao ang kaniyang lakad?
25 - Silo nga sa tao ang magsabi ng walang pakundangan, banal nga, at magsiyasat pagkatapos ng mga panata.
26 - Ang pantas na hari ay nagpapapanabog ng masama. At dinadala sa kanila ang gulong na panggiik.
27 - Ang diwa ng tao ay ilawan ng Panginoon, na sumisiyasat ng mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.
28 - Kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapalagi sa hari: at ang kaniyang luklukan ay inaalalayan ng kagandahang-loob.
29 - Ang kaluwalhatian ng mga binata ay ang kanilang kalakasan: at ang kagandahan ng matanda ay ang ulong may uban.
30 - Ang mga latay na sumasakit ay lumilinis ng kasamaan: at ang mga hampas ay dinaramdam sa mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.